Ganitong humimig ang hangin para sa pirming napapagal: malamyos, banayad, tila dambuhalang politonong nakakubli sa wangis ng monotonong marahan, isang paghilot sa sentidong ayaw munang dumilat. Isang arboretum sa pusod ng trosohan, sa mga bituka nito nakasiksik ang pinag-ugatang mga kasalanan, sa pisngi nakasulat ang mga paniniphayo’t dapat itatwa. Sa lalamunan nito’y pirming panauhin: isang taong hahanapin ang paglaya sa kalapit na nakaraang kailangang kalkalin nang tuluyan, sa malayong nagdaang hindi mawawaglit kailanman, at sa pangmusmos na larong kaniya at kaniya lamang: ang payak na pakiramdam ng pagkakaroon ng engrandeng distansiya mula sa lupa, sa itaas, mas matayog pa sa dakilang abot-tanaw, gamit ang balanse hatid ng mga brasong itinuturo ang silangan at kanluran, ng iskierda’t deretsa—lahat ito sa kawalan ng ambisyon at pagnanasang sumilip sa malayong kinabukasan. Ito, kung susumahin, ay oda para sa maringal na ngayon, sa marabiyosang kasalukuyan.